Volume 1, Issue 1
Nobyembre 2011

Ang kalatas na ito ay pantatluhang-buwang inilalathala na itinataguyod sa ilalim ng pamumuno ni Kgg. Proceso J. Alcala, Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka at ni Kgg. Euclides G. Forbes, Tagapamahala, Pangasiwaan ng Niyog sa Pilipinas.


PCA ITATAGUYOD ANG LCIDC

Isa sa pinagsisikapang itaguyod ng Pangasiwan ng Niyog ng Pilipinas sa ngayon ay ang "Local Coconut Industry Development Council" o LCIDC na naglalayung mabigyan ng sapat na kapangayarihan ang mga magsasaka ng niyog at mahubog ang diwa at kaisipan na makibahagi at makiaalam sa mga gawaing may kinalaman sa pag-papaunlad ang industrya ng niyog at ng kanyang local na pamahalaan. Ito ay itataguyod sa iba't-ibang panig ng ng Pilipinas, ayon sa kautusan ng Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka, Proceso J. Alcala.

Ang LCIDC ay isang lokal na kaparaanan para lumaki ang pag-asa ng mga magsasaka ng niyog sa paglahok sa pagbalangkas sa mga kapasiyahan ng pamahalaan na pampook. Ito ay magpapasigla sa mga magsasaka at ibang sektor ng industriya ng niyog na magbuklod o bumuo ng isang konseho upon maging makabuluhan at dagliang makatugon sa paglahok sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog. Ito din ay makakapagbigay ng pagkakataon na mangasiwa sa sariling kapakanan hinggil sa industriya ng niyog. Ang paraan na ito ay magiging daan para sa tunay na pagbuklod ng Lupong Lokal ng pamahalaan at ng samahan ng magsasaka ng niyog para sa kabutihan ng industriya ng niyog. Ang pagtatatag ng LCIDC ay isang paraan ng pangasiawaan upang lalo pang pag-ibayuhin ang toloy-tuloy na pag-daloy ng mga programa at proyekto para sa pag-papaunlad ng industriya ng niyog. Ito din ay naglalayun na mahikayat ang lokal na pamahalaan na lumahok sa mga proyekto ng pamahalaan. Ang Pangasiwaan ng Niyog ng Pilipinas ay naniniwala sa kapakinabangan sa pagtatag ng LCIDC dahil ito ay magiging kabalikat ng PCA at ng mga CDOs sa paglaganap ng "extension services".

Hinggil dito, isang pangrehiyon na kapulungan ang idaraos sa limang (5) rehiyon kabilang dito ang Calabarzon (IV-A), Davao (XI), Zam-boanga Peninsula (IX) bilang mga pangunahing "coconut producing regions."


Ang Industriya ng Niyog sa Pilipinas ay isa sa pangunahin at mahalagang "agri-based industries" natumutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.

Ang niyog ay ang siyang pangunahing "agricultural crop" ng higit kumulang na 69 na lalawigan sa bansa . Ito din ay isa sa panguna- hing "foreign exchange earners." Sa huling limang taon (2005-2010), ito ay nakapagtala ng mahigit kumulang isang bilyong dolyar na kita para sa bansa.

Mahigit kumkulang na 3.5 milyong magsasaka at 24 milyong mga Pilipino ang umaasa sa industrya ng Niyog.


BUKO Juice Muling Pasisiglahin ang Industriya ng Niyog

Pumasok na ba sa inyong isipan na ang buko juice o "coconut water" ay maging isang pangunahing inumin ng mga propesyonal na manglalaro sa Estados Unidos? Totoo po, ang buko juice ay pinagtutuunan ng isang masusing pag-aaral sa Estados Unidos na maaaring ipalit sa "Gatorade."

Mismong ang Pangulong Benigno Aquino III ang nagtataguyod upang gawing pangunahing inumin na makakapagbigay sigla o lakas sa bawa't sulok ng Pilipinas ang buko juice.

Ayon sa ating Pangulo, dalawang kompanya sa Estados Unidos ay nagbabalak na mamuhunan sa buko juice o "coconut water" para matugunan ang pandaigdigang "supply" o pangangailangan nito. Maging ang ating Pangulo ay nananabik sa magiging bunga ng programa na magdudulot ng magandang pag-unlad sa ibat-ibang panig ng pilipinas.

Ang pag-inom buko juice ay mabilis na lumalaganap sa Estados Unidos dahil ito ay masustansiyang inumin na hindi nakakasira ng kalikasan at magiging isang bagong likas na inumin ng mga manglalaro sa Estados Unidos at makakapag-bigay ng milyon dolyar na kita sa industriya ng niyog.



Pagtatanim ng Niyog lalo pang Pag-iibayuhin

Kasabay ng patuloy na paglago ng pandaigdigang merkado para sa produktong niyog na nanggagaling sa ating bansa at upang matugunan at mapunuan ang pangangailangan nito o "supply " ng "raw material" ay isang malaking hakbang ang nais isagawa ng Pangasiwaan ng Niyog sa Pilipinas o ng PCA. Ito ay ang lalo pang pag-ibayuhin ang pagtatanim ng niyog gamit ang makabagong variety na dito lamang matatagpuan sa Pilipinas o alin man sa mga natukoy at maitutukoy pa na "best variety " ng mga magsasaka sa niyugan.

Ayon kay Administrator Forbes, ang pagtatanim ng mga punong niyog ay isa sa mga pangunahing programa ng Pangasiwaan ng Niyog ng Pilipinas o PCA. Ito ay kailangan upang maparami ang pinag-aanihan ng bunga ng niyog na siyang pinagkukuhanan ng ating malaking kita sa larangan ng Agrikultura. Ito ay isinasagawa ng PCA sa pamamagitan ng, (a) pagpapalit ng mga matatanda na at mahina ng mamungang puno ng niyog (Replanting) at (b) pagtatanim (planting) ng punla ng niyog na isinasagawa sa mga tukoy na lupang angkop sa pagniniyugan.

Sa kasalukuyan, ang pagpaparami ng mga tanim na punong niyog ay ipinatutupad sa pama-magitan ng programang Participatory Coconut Planting Project (PCPP). Ang mga nagtatanim ng niyog ay binibigyan ng insentibo na umaabot sa PhP 30 kada punong itinanim sa pasubali na ang lahat ng nagtanim ay sinunod ang mga subok na pamantayan ng PCA.



Simpleng Kabuhayan para sa Magniniyog

Bilang tinaguriang "Puno ng Buhay", ang niyog ay mapagkukunan ng napakaraming kabuhayan para sa bayan. Mula ugat hanggang dahon nito ay mapapakinabangan at magagamit sa paggawa ng maraming produktong maaring ipagbili at ikalakal sa local at pandaigdigang pamilihan. Maaring makakuha ng pagkain, inumin, panggawa ng walis-tingting, coco lumber at marami pang iba.

Bukod sa kopra, ang mga halimbawa ng simpleng kabuhayang pwedeng mapalago ay ang paggawa ng langis, asukal o "cocosugar", sorbets, tuba, mga palaman sa tinapay o "jam" pati na rin ang paggawa ng fiber. Ang mga proyektong ito ay unti-unting nakikilala at napapalago ng mga grupo ng mga magniniyog na siyang nagbibigay kabuhayan sa kani-kanilang mga miyembro.



Organikong Pataba Para sa Niyog

Ang pag-aabono ng asin sa niyog ay isinasagawa ng PCA sa ilalim ng programang Salt Fertilization Project (SFP) upang maitaas ang bunga at ani nito. Ang asin ay maituturing na isang organikong pataba at pinatataas nito ang laki o dami ng bunga ng niyog ng may 25% matapos ang isang taon pag-aabono at 50% naman hanggang 100% matapos ang ikalawa at ikatlong aplikasyon nito.

Bukod dito, ang mga puno ng niyog na inabonohan ng asin ay nagiging matibay sa panahon ng tagtuyot at sa mga pag-atake ng peste at sakit. Ang taglay nitong kloruro o "chloride", ay nagpapalakas sa resistensya ng niyog upang labanan ang mga ito.

Ang paglalagay ng abonong asin ay dalawang (2) kilo kada puno matapos magsagawa ng paghahawan at paghuhukay ng may lalim na 3 pulgada paikot sa layong 1 metro sa puno ng niyog.

Sa kabuuan, ang PCA, ay nakapag-hatid at nakapagbigay na ng 605,915 sako ng abonong asin (50 kilos kada sako) noong nakaraang taon at sa ngayon may 513,621 sako ng asin ang nai-abono sa 12.23 Milyong puno ng niyog at 118,638 magsasaka ng niyog ang na biyayaan sa ilalim ng programang Salt Fertilization Project (SFP).



Opinyon



Coco Levy? Nasaan Na?

Ano nga ba ang coco levy? Panahon ng diktadurya nang pinatawan ng levy o buwis ang mga magniniyog. Pag nagbebenta ng kopra si Mang Caloy noong 1973-1982 kinakaltas ang PhP 60 kada isang daang kilo ng kopra. Iyon daw perang naipon, ayon sa mga Presidential Decrees ni Marcos, ay gagawing capital ng mga kumpanya na ipupundar "para sa kapakinabangan ng mga magniniyog." Ngunit di ito ang nangyari. Napagsamantalahan. Kaya't nang maupo si Pangulong Cory noong 1986, itinatag ang PCGG upang mabawi iyong mga "nakaw-yaman." Nasakdal ang mga nagsamantala.

Matapos ang 30 taon ay di pa nabibigyan ng katarungan ang mga magniniyog. Dalawang mahalagang kaso ang hanggang ngayon ay nabibinbin sa Korte Suprema. Una, ay sino ba ang may ari ng 24% ng San Miguel shares. Dapat may hatol na dito pagkat noon pang Setyembre 21, 2009 ay sinabi na ng SC Magistrado Carpio-Morales na ang hatol dito ay bababa na. Ay bakit kaya ito naantala pa hangang ngayon?

Ang pangalawa ay ang pagmamayari ng 20% pang bloke ng SMC shares. Malungkot sapagkat noong Abril 2011 ang naging hatol ng Korte Suprema ay pagmamayari daw ito ni Cojuangco at hindi ng mga naghihikahos na mga magniniyog at kanilang mga mahal sa buhay!

Di makatarungan ang naging hatol pagkat lumabas na iyong palang ibinili sa nasabing 20% SMC shares ay inutang ni G. Cojuangco sa UCPB at CIIF − mga malalaking ahensiya na ipinundar para sa kapakinabangan ng mga magniniyog, hindi para mabigyan ng pagkakataon ang Pangulo at Director ng UCPB at CIIF (na noon ay si Cojuangco) na makautang ng halaga upang mabili ang 20% ng SMC na pinakamalaking kumpanya sa bansa. Hindi pinapayagan sa batas ang ganitong pagsasamantala. Sa simpleng wika, siya ay naging "bantay salakay." Kaya't ang sabi ng Magistrado Carpio-Morales ay iyong hatol ng kanyang mismong mga kapwa magistrado ay "biggest joke of the century" o "pinakamalaking biro ngayong siglo". Ang sabi ni Senador Joker Arroyo ay ang nasabing hatol ay "insulto kay Pangulong Cory". Ang Komentaryo naman ng INQUIRER ay iyong hatol na iyon ay parang ginawa ng Korte Suprema ang puno ng Niyog (na tawag natin ay "Tree of Life") na "Puno ng Walang Katarungan." Marami pang dahilan kung bakit di makatarungan ang nasabing hatol.

Kaya't sina Sen. Salonga, Bobby Tanada, Ka Oca Santos, Joey Faustino, Vic Fabe, Omi Royondoyan, Ka Adel at iba pa ay naghain ng "Motion for Reconsideration" upang mabago ang hatol na sadyang lihis sa katarungan. Sana'y balikan ng Korte Suprema ang nasabing hatol at mabigyan na ng katarungan ang mga naghihikahos na magniniyog. Silang naninirahan sa may 20,000 barangay niyugan sa bansa. Silang halos ika-apat na bahagi ng ating mga kababayan.

Pag nabawi ang 24% at 20% SMC shares na may balor na di bababa sa PhP 100 B, ito ay maaaring (sa interes lang) makapagbigay ng alokasyong aabot marahil ng PhP 300,000 taon-taon sa bawat niyugang barangay sa bansa. Napakamalaking bagay para sa kabuhayan ng mga magniniyog. Kaya't dapat lang na ito ay mapag-usapan sa mga Sangguniang Panlalawigan, Sangguniang Bayan at lalo na sa mga Sangguniang Barangay para sa kaalaman ng mga taga-Barangay.


Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa mga programa ng PCA at ng LCIDC at kung paano lumahok sa mga gawaing may kinalaman dito, magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng Pangasiwaan ng Niyog sa Pilipinas sa inyong lugar.


 
© 2012. All Right Reserved
Philippine Coconut Authority
Elliptical Road, Diliman, Quezon City, Philippines
(0632) 928-4501
Email: pca_cpo@yahoo.com.ph

  

      
      
powered by FreeFind


FEATURES
     Advisory Notes
Re: Some Commercial Producers/
Suppliers of Coconut Water
based in Metro Manila
     Update on Scale Insect Infestation
and Control in CALABARZON   
    
    
     Health Benefits of Coconut Oil
     Study Shows Heart Disease
Absent in Coconut Eating
Population
     Crop Nutrition Management
in the Philippines, Salient efforts
and milestones
     Coconut Yield And Profitability
Under Two Practical Fertilizer
Options

COCONUT TECHNOLOGIES
     Integrated Soil Fertility
Management (ISFM) on
Coconut + Lanzones
     Field Application of Common
Salt on Cooking Banana
Cultivar ´Cardaba´
     Enhancement of Economic Benefits
from Selected Coco-based Farming
Systems Practices & Technologies
     Productive and Sustainable
Coconut Farming Ecosystems
as Potential Carbon "Sinks" in
Climate-Change Minimization
     Coconut+Cacao Cropping Model
     Salt - An Effective and Cheap
Fertilizer for High Coconut
Productvity
  
MORE»  

ANNOUNCEMENTS
     Invitation to Bid
     Job Opening